Ang lugaw at pandesal ni Leni, bow

January 23, 2020

MAY malaking problema kapag pandesal, lugaw at tubig ang bitbit ng pangalawa sa pinakamataas na tanggapan ng gobyerno sa bansa para sa mga nasalanta ng Taal volcano eruption.

Wala na bang makitang ibang diskarte si Vice President Leni Robredo upang itaas ang antas ng kanyang tulong sa mga mahal nating Batangueno na nangangailangan ng ayuda?

Ala e, proud pa yata si Robredo sa kanyang pamimigay ng tig-aanim na pandesal at tubig sa evacuation center habang sa ibang lugar naman ay lugaw ang kanyang ibinida.

Talo pa si Robredo ni Aling Soledad Alora na namigay ng ulam at kanin sa mga deboto sa traslacion ng Itim na Nazareno kamakailan.

Hindi naman natin iniismol ang lugaw bilang pagkain lalo pa’t ito ay inaalay bilang tulong sa mga nangangailangan  ngunit isipin naman natin na ang ganitong feeding program ay angkop lamang kay kapitan.

Nakalimutan yata ni Robredo na dala niya ang Office of the Vice President at hindi ang isang tanggapan ng barangay.

Isa pa, masakit sa inyong lingkod na malaman na pinakakain ng lugaw at pandesal ang mga hinahangaan nating mga  Batangueno sa oras ng kanilang pangangailangan.

Ito ay dahil kilala sa pagbubukas ng kanilang mga tahanan ang mga Batangueno upang magpakain ng sinuman.

Kapag nagbukas ng pintuan ang mga magigiting na Batangueno, higit pa sa lugaw at pandesal ang ipakakain sa sinumang nagigipit.

Higit sa lahat, marunong kumupkop ang mga Batangueno. Hindi ka lang pakakainin, ipaglalaban ka pa.

Pero dahil sa lugaw at pandesal ni Leni, hindi tayo nakasisiguro kung ipaglalaban siya ng mga Batangueno.

Ay s’ya.

***

Kakaiba talaga itong si Pangulong Duterte. Imbes na bumaba ay tumaas pa lalo ang kanyang satisfaction rating.

Ayon sa Social Weather Station (SWS) survey na ginawa nuong nakaraang Disyembre, sumipa pa sa 82% ang bilang ng mga Pilipino na sang-ayon sa pamamalakad ni Duterte sa bansa.

Kadalasan, bumababa ang rating ng mga pangulo matapos ang kalahati ng kanilang termino.

Pero tumaas pa ang kay Duterte. Tanda ito ng malakas na suporta sa kanyang mga gawain at plano para sa taumbayan.

Kailangan ni Duterte ang positibong resulta ng survey.

Ito ang magsisilbing pwersa upang maitulak ng kanyang administasyon ang mga inilatag nitong proyekto para sa ikauunlad ng bansa.

***

Para sa mga komento, maaari kayong tumawag o mag-text sa  09055080126 o mag-email sa lastmohican2004@yahoo.com