Hoy, magbayad ka ng utang!

GINAGAMIT ng mga kritiko ang Sri Lanka bilang panakot sa pag-utang ng gobyerno ng Pilipinas sa China.

Posible raw matulad ang bansa natin sa Sri Lanka na nakontrol ng Tsina ang bahagi ng kanilang teritoryo dahil hindi nakabayad ng utang.

Nagsimula ang utang ng Sri Lanka sa mga Chinese sa halagang US$1.5 bilyon.  Sa pinakahuling data, umabot na sa US$6 bilyon ang pagkakautang ng Sri Lanka.

Sa ngayon, dahil hindi nakabayad ang Sri Lanka, kontrolado na ng China ang Hambantota port.

Tanong, dapat bang umutang ang isang bansa para sa kanyang sariling kaunlaran? Ang sagot ay dapat lang talagang mangutang. Ang Sri Lanka ay isa sa pinakamahirap na bansa sa buong mundo kaya hindi nakapagtataka ang natural na pangungutang.

Tanong, Sri Lanka lamang ba ang umuutang? Ang sagot ay hindi dahil maging ang economic power tulad ng USA ay mayroon din foreign debt.

Ang ating bansa ay may pagkakautang na rin na P8 trillion. Hindi ito inutang magmula noong 2016 nang maging Pangulo si Mayor Rody. Utang ito ng Pilipinas magmula pa noong 1960s.

Ang foreign at domestic debt ng Amerika ay nasa US$21 trillion, kasama na dyan ang utang ni Uncle Sam sa China na aabot sa US$1.2 trillion.

Isa pang tanong, posible bang dumating ang panahong magiging pag-aari na rin ng China ang bahagi ng Lincoln Memorial sa Washington o ang San Francisco Wharf? Natural hindi ito mangyayari dahil kasama sa governance ng mga nagiging pangulo ng Amerika ang pagbabayad ng kanilang mga utang.

Katulad dito sa atin, posible bang makuha ng China o ng World Bank-IMF ang kapitbahay naming Tandang Sora Market o kaya ang Commonwealth Avenue para palagyan ng toll fee? Natural din na hindi dahil halos 45% ng taunang budget sa ilalim ng General Appropriations Act ang ibinibayad ng gobyerno sa kanyang domestic at foreign debt.

Ngayon, ang tanong, bakit naembargo ng China ang isang port area ng Sri Lanka? Ang sagot, dahil hindi sila nagbayad ng utang. Hindi na nga nakakabayad, utang pa nang utang!

Huwag na tayong lumayo, sa atin na lang mismo bilang isang ama ng tahanan. Halimbawang wala na kaming makain, walang matirahan kaya uutang ako. Pero walang nagpapautang ang hindi kumukuha ng kolateral.

Kung minsan, ang property na gusto mong bilhin gamit ang uutanging pera ang siya mismong ginagamit na kolateral. Halimbawa ay gusto kong kumuha ng 100 square meter commercial lot, kung ang halaga ng lote ay P5 milyon, may mga bangko na ipapautang sa iyo ang 60 to 70% ng appraised value ng property. Pero ang kondisyon, kapag hindi ka nakabayad sa takdang panahon, una, tataas ang interest, at kalaunan, maeembargo ng bangko ang property.

Ganoon ang nangyayari sa mga pabayang umuutang,  masipag mangutang, tamad namang magbayad.

Ganyan ang nangyari sa Sri Lanka, umutang sila nang umutang, hindi naman nagbayad.

Wala nang santo ngayon, kapag nangutang ka, natural na gustong bumawi ng pinagkakautangan mo kahit pa kunin ang suot mong damit kung estapa din lang pala ang lakad mo!

Moral of story, kapag nangutang ka, magbayad ka!
allanpunglo@gmail.com