Home>Editorial>Opinion>Barangay basurahan ng infectious waste

Barangay basurahan ng infectious waste

TINOTOO ni Caloocan City Councilor Vince Hernandez ang pangako sa mga kababayan na magbigay ng barangay trash bins na puwedeng pagtapunan ng mga gamit na facemask, personal protective equipment (PPE) at iba pang bagay na itinuturing na ‘infectious waste.’

Isinusulat ko ito’y umabot na sa 200 basurahan ang naipamahagi ni Vince sa halos 70 barangay at 24 health centers sa lungsod.

Kung matatandaan, nitong nakalipas na Agosto ay nanawagan ang konsehal na magkaroon ng hiwalay na basurahan para sa mga gamit na face shields at face mask.

Tugon ito sa mga naglalabasang report na karamihan sa ating mga kababayan ay kung saan-saan na lamang itinatapon ang mga gamit na face mask na mapanganib sa ating kalusugan.

Hiwalay pa ito sa naunang pinagtibay na ordinansa ng Sangguniang Panglungsod na ipagbawal ang pagdura, pagbahing, pag-ubo at pag-ihi sa mga pampublikong lugar upang maiwasan ang pagkalat pang lalo ng kinatatakutang COVID-19

Ang pangunahing may akda ng ordinansang ito ay si Vince rin na kasalukuyang presidente ng Sangguniang Kabataan Federation of Caloocan City.

Dahil sa magandang proyekto, agad nakipag-ugnayan sa batang konehal ang Sentinel Upcycling Corporations, isang kompanya na gumagawa ng mga plastic at recycle na basurahan.

Labis napahanga kay Hernandez ang Sentinel kaya sila mismo ang nag-alok na mag-donate ng 200 trash bins na isa-isang ipinamahagi ng masipag na konsehal.

Sa pakikipagtulungan nina Caloocan City Mayor Oca Malapitan at Congressman Ayong Malapitan, tinawag ang tapunan ng basura para sa mga gamit na face mask na: ‘Barangay Basurahan ng Infectious Wastes’ na makikita ngayon sa iba’t ibang barangay hall at health center.

May pakiusap sina Vince at Sentinel sa mga kababayan natin sa Caloocan. Sana, bukod sa pagtatapon sa tamang lalagyan para sa mga nabubulok, hindi nabubulok at ‘hazardous waste,’ ipunin na rin natin ang mga plastic na basura gaya ng bote ng softdrinks, shampoo, mantika at maraming iba pa na puwedeng i-recycle ng kompanya.

Malaking bagay umano ito para sa Sentinel upang lumawak pa ang kanilang ginagawang pagtulong na bahagi ng kanilng ‘corporate social responsibility.’

Katulad ito ng proyekto sa longest noontime show ng Eat Bulaga na nagpapaipon sa mga manonood at sumasali sa “Juan for All, All for Juan,’ upang gawin namang plastic na upuan sa mga paaralan sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Samantala, bukod sa makabuluhang ordinansa at paggawa, walang patid din ang ginagawang pagtulong ni Vince.

Mayroon itong pa-goto at pa-arroz caldo sa kanyang mga kababayan na ang bansag naman ay ‘Best Lugaw on Wheels (BLOW out) ni ConVinced!’

Tatlong beses isang linggo kung magpalugaw si Konsi sa iba’t ibang barangay. Kada barangay, aabot sa 1,000 katao ang nakatitikim ng masarap at masustansiyang pa-lugaw ni ConVinced.

“Pamatid gutom po sa ating mga kababayan na alam nating hirap dahil sa pandemic. Sana po maibsan kahit kaunti ang kumakalam nilang sikmura,” ani Hernandez.

Kamakalawa ay nagpakain rin ito ng pansit at turon sa mga taga-Bagong Barrio, South Caloocan. Pa-blow out na rin ito ni Konsi na nagdiriwang ng kanyang ika-24 taong kaarawan ngayong araw ng Linggo, Oktubre 18!

Umaga, tanghali, gabi at kahit hatinggabi, walang kapaguran ang ginagawang pag-iikot ni Vince sa Caloocan upang personal na marinig ang hinaing at pangangailangan ng mga taga-Kankalo. Ginagawa rin niya ito hindi dahil may ugali na rin siyang trapo (traditional politicians), kundi dito rin siya nakakita ng personal na kasiyahan – ang tumulong sa mahihirap at nangangailangan.

Katunayan, may anim na pamilya ang nasunugan kamakailan sa Bgy. 160 ang kagyat na binisita ni Hernandez para magbigay ng kaunting tulong base na rin sa kanyang kakayahan.

Kahit ang nag-viral sa social media na si Nanay Grasya ng Bgy. 163 ay personal ding pinasyalan ni Vince upang abutan naman ng kaunting ayuda.

Sa edad na 24-taong gulang, maituturing na ‘bata’ pa sa mundo ng serbisyo publiko si Vince. Pero ang ipinapakitang galing, husay, sipag at kabaitan nito ay sapat na upang siya’y hangaan ng kanyang mga kababayan.

Salamat sa dedikasyon sa trabaho at salamat din sa masisipag na opisyales at miyembro ng SK Federation sa lungsod na palagiang nakasuporta sa magagandang programa ni Vince.

Keep it up, Councilor Vince dahil hindi lang buong kalooban ang nagpapasalamat sa’yo, kundi sigurado rin akong proud na proud sa iyo ang Mom and Dad mo!

SI ConVinced ay anak po nina Caloocan City Administrator Engr. Oliver and Mrs. Henedine Hernandez.

Happy birthday Sir Vince, the Service Prince!

Cheers!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large