Kabundukan ba ang solusyon?

August 19, 2019

PUSONG bato na lang ang hindi tatablan sa pagsusumamo ng ina sa kanyang anak na magbalik sa kanilang poder sa halip na sumama sa kabundukan sa mga taong minsan lang niya nakikala.

Alam natin na marami nang insidente ng pagkawala ng mga anak na ang dahilan ay naglayas, nagtanan, nangibang bansa o basta na lamang nawala nang hindi alam ang dahilan.

Pero ang mamundok kasama ng mga komunista at mga rebelde, bago ito sa pandinig nating lahat dahil ngayon lamang may mga magulang na naglakas ng loob na lumantad para humingi ng tulong sa gobyerno.  

Hindi ito  insidente  ng kidnapping o kaso ng involuntary disappearance dahil “vanishing with consent” ito na hindi basta kinuha ng “alien” at isinakay sa UFO. Sumama talaga ang mga estudyante sa grupo ng mga rebelde matapos ang recruitment at pagdoktrina sa kanila.

Ang sabihin ng anak na magmula ngayon ay wala na silang kikilalaning mga magulang, mga kapatid at pamilya ay higit pa sa aborsiyon. Sa isang kisapmata, wala ka nang anak dahil lamang sa pagkumbinsi ng mga tao na wala man lang kontribusyon sa pagpapalaki mo sa kanya.

Ang positibong parte lamang dito, sa dami ng mga estudyanteng kinumbinsing mamundok, mabibilang pa sa daliri ang napaniwala. Ibig sabihin, mas marami pa rin sa populasyon ng mga mag-aaral ang gusto sa kapatagan kaysa sa kabundukan.

Ano ba ang karaniwang panghikayat sa mga estudyante o sa mga taong gusto nilang isama sa bundok?  

Sasabihin nilang mapangapi ang gobyerno, hindi pantay ang lipunan, talamak ang katiwalian, gahaman ang mga negosyante, walang puwang ang mga mahihirap sa komunidad, umiiral ang inhustisya, sinisira ang kalikasan, mayayaman lang yumayaman, hindi pantay ang tingin ng estado sa bawat mamamayan, abusado ang mga militar, abusado ang mga pulis, pinahihirapan ang mamamayan, iskuwater sa sariling bansa, naghahari ang mga panginoong may lupa, kapitalista ang nagpapatakbo ng bansa, tuta ng Amerika, tuta ng China, lumobo ang utang sa World Bank at IMF at kung anu-ano pang kapintasan ng estado ang kanilang ilalatag.

Okey, ang susunod na tanong, matapos mong marinig ang lahat ng yan, kabundukan ba ang solusyon? Paghawak ba ng armas laban sa gobyerno ang sagot? Pagbato ba ng mga pintura sa US Embassy ang sagot o pagsunog ba ng bandila ng China ang solusyon?

O ang pag-abandona ba sa iyong pamilya at piliin ang paninirahan sa bundok ang ultimate answer sa lahat ng tanong na gumulo sa iyong isipin matapos ang doktrina?

Tayo nga na nakalantad dito sa kapatagan ay nahihirapang baguhin ang lipunan at solusyunan ang mga problemang nakagisnan, paano pa kaya kung aakyat ka ng bundok at makikipaglaban kasama ng iilan?

Kabundukan ba ang solusyon? Hindi ba ang tama para sa isang estudyante ay mag-aral na mabuti at mangarap na maging isang solusyon sa problema ng iyong lipunan?

Ako, bilang manunulat, ay isang  tinig lamang sa ilan na hindi maririnig ng buong estado kahit gamitin ko pa ang buong diyaryo sa pagsigaw ng pagbabago. Pero hindi ako mag-isa, marami tayong nananawagan at humuhulma ng opinion ng bayan kaya kahit paano’y may nagmumulat sa lipunan at mamamayan.

Palagi kong sinasabi na hindi lamang ang gobyerno ang may obligasyong ayusin ang kanyang lipunan, lahat tayo ay kargo natin ang estado.

Hindi ko tatanggapin na ang kagubatan at kabundukan ang sagot sa mga problema ng bayan.

Hindi natin kayang baguhin sa ating mga palad ang lipunan pero kung ikaw mismo, bilang estudyante, ay marunong magmalasakit sa bayan mo at maging mabuting tao ka lang, nabawasan mo na ng isang mabigat na problema ang bayan mo.

Naalala ko tuloy ang sinabi ng isang US Navy Admiral sa  kanyang pagsasalita sa mga bagong kadete: “Do you really want to change the world? Stand up and fix your bed!”

Matuto raw muna kayong magligpit ng inyong pinaghigaan kung gusto nyong ayusin ang mundo.
allanpunglo@gmail.com