Makupad at tamad ba talaga ang Pinoy construction workers?

ALAM ko kung saan humugot ng pahayag si Special Envoy to China Mon Tulfo.

Marami ang hindi nakakaunawa sa sinabi ni Mon na maraming mga Filipino construction workers ang tamad at makupad. Nagkakaroon ng isyu rito dahil na-generalized ni Mon ang lahat ng Pinoy plus naikumpara pa sa mga Chinese construction workers.

Nauunawaan natin ang pagmamatigas ni Mon na huwag mag-sorry sa kanyang pahayag dahil sa maniwala kayo’t sa hindi, alam ko ang kanyang sinasabi. May batayan si Mon sa kanyang pahayag at maaaring hindi ito maiintindihan ng marami sa atin.

Ang mga taong hindi pa nakaranas makakuha ng construction workers sa kanilang mga ipinapagawang bahay o kahit ano pa man sa inyong bakuran, hindi talaga swak sa kanila ang pahayag na ito ni Mon.

Pero ako mismo, masasabi kong maraming construction workers ang angkop sa deskripsiyon ni Ambassador Tulfo.

Madalas akong personal witness at first person testimonial ang deskripsiyon sa mga nakasalamuha kong manggagawa. Mula sa piyon, mason, carpenters, master carpenters, plumbers, electrician at iba pang manggagawa na kailangan sa konstruksiyon.

Totoong maraming Pinoy ang magagaling at masisipag, lalo na iyong mga nag-abroad para doon magtrabaho bilang construction workers. Pero aminin natin, sa abroad magaling sila pero marami sa kanila ang hindi  ginagawa ito sa ating bansa.

Ang karakter ng karaniwang batugan na construction workers, kung 8 a.m. ang simula ng trabaho, darating yan madalas 9 a.m. At kapag dumating sila, dahil Monday, miss na miss nila ang isa’t- isa kaya magyoyosi pa yan habang nagkukuwentuhan sa job site.

Iyong iba naman, naghahasa ng talim ng lagare, nag-aayos ng kanilang mga gamit. Magsisimulang magtrabaho ang mga yan, kapag buwenas ka 9;30 a.m. Pero magugulat ka, mga 10;30 a.m., titigil ang mga yan para magmeryenda.

Babalik na naman yan sa trabaho mga 10:45 a.m. dahil busog, nagyoyosi pa sila habang nagtatrabaho. Mga 11;30, iyong pinaka-piyon, titigil muna para magsaing naman ng kanilang kanin, Iyong isang piyon, inutusan ng master carpenter para mamalengke ng ulam nila.

Hindi na gagawa ang dalawa kaya aabutin na sila ng tanghalian para sa preparasyon ng pagkain. Sandaling oras na lang, kainan na naman. Alas dose na ng tanghali, kainan na hanggang 12:30 p.m. yan. As usual, yosi na naman habang nagpapahinga tapos, kanya-kanya nang kuha ng plywood na makinis para matulog hanggang 1:10 p.m.

Isipin mong mabuti, sinasahuran mo sila ng arawan, iyong pinagagawa mo na usapan nyo ay matatapos ng 3 months, inaabot na ng 5 months, wala pa sa finishing.

Sige nga, sabihin nyo kung may mali sa sinabi ni Mon Tulfo?
allanpunglo@gmail.com