Presidential Communication Operations Office at PNP mag-uusap hinggil sa ‘Freedom of Information’

February 01, 2019

BAGO ang lahat isang taas-kamaong pakikiramay at pagsaludo kay “kasamang” Randy Malayao at sa kanyang “tukayo” na si Randy Vegas.

Si Malayao ay dating ‘vice president for the Visayas’ ng College Editors’ Guild of the Philippines (CEGP) kung saan nagsilbi ring ‘director general’ si Vegas -- na “junior” naman natin sa ‘The Quezonian,’ ang ‘campus publication’ ng ‘Manuel L. Quezon University (MLQU).

Naging kasapi rin tayo ng “Q” habang nag-aaral sa MLQU noong huling bahagi ng dekada ’80 kung saan naging kasapi rin tayo ng CEGP.

Pinaslang sa loob ng isang bus sa Nueva Viscaya noong Miyerkules si Malayao na may naging mataas na posisyon sa CPP-NPA at ‘peace consultant’ pa nga ng NDFP nang siya ay patayin ng hindi pa rin mga kilalang suspek.

Isa naman pala si Vegas sa anim na NPA na napatay sa isang engkuwentro sa mga elemento ng 9th Infantry Division noon ding Miyerkules sa Bgy. Payak, Bato, Camarines Sur.

Harinawang magsilbing “aral” sa lahat ang kanilang pagkamatay. May you both rest in peace, comrades!

* * *

Matagumpay na naidaos noong Huwebes sa National Press Club (NPC) ang ikatlong serye ng ‘Freedom of Information/Press Freedom Caravan’ para ngayong taon, isang napakagandang proyekto ng tanggapan ni NPC lifetime and honorary member, Sec. Martin Andanar ng ‘Presidential Communication Operations Office’ (PCOO).

Unang ginanap ang ‘FOI Caravan’ sa Bangkok, Thailand nang bumisita doon ang PCOO noong nakaraang buwan; ang ikalawang edisyon ay “isinabay” naman sa ‘oathtaking’ ng ating mga kapatid sa ‘Nueva Ecija Press Club’ (NEPC) noong nakaraang Enero 22.

Sa panig ng NPC, siyempre, ‘very proud’ ang ating samahan na bagaman ‘sandamakmak ang mga ‘media groups’ dito sa Metro Manila na “nagyayabang” na “sila” ang dapat palaging “bida,” ang NPC ang “pinili” ng PCOO na maging “kaagapay” sa nasabing proyekto -- patunay lang na sa ngayon, patuloy na tumataas ang kredibilidad ng NPC sa mata ng lahat.

Muli, maraming salamat kay PCOO-FOI Office chief, Asst. Secretary Kris Ablan, Usec. George Apacible at ‘Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director, Usec. Joel Sy Egco, sa kanilang panahon.

At siyempre pa rin, mas maingay na ‘Thank You!’ sa lahat ng mga kasapi ng NPC at mga opisyales ng mga ‘NCR press groups’ na dumalo sa mahalagang pagpupulong.

Oops! ‘Special mention’ din sa atin si ‘Publishers Association of the Philippines, Inc.’ |(PAPI) president, Nelson Santos at iba pang mga opisyales ng PAPI, na naging “kabalikat” din natin noong Huwebes.

At alam nating marami sa ating mga kapatid sa media at sa ating mga kababayan ang nakapulot ng mahahalagang impormasyon sa pagtitipon dahil nga napanood ng ‘live’ sa RTVM at sa ‘social media’ ang mga naging presentasyon nina Usec. Joel, Assec. Ablan at Usec. Apacible, hinggil sa kahalagahan ng Executive Order No. 2 (FOI) at, Administrative Order No. 1 (PTFoMS) sa buhay ng lahat ng Pilipino.

* * *

Isa sa mga “aprub” sa ating desisyon na gagawin ng tanggapan ni Assec. Ablan ay ang “pakikipag-usap” sa liderato ng Philippine National Police hinggil sa isyu pa rin ng FOI.

Dangan kasi, “natukoy” na ang PNP ay isa sa mga ‘non-compliant’ kung pagpapatupad ng EO No. 2 ang pag-uusapan.

Sa panig ng media ay ‘welcome development’ ito, Chief PNP Oscar Albayalde.

Dangan kasi, alam mo ba “bosing” na partikular sa hanay ng media, partikular na sa labas ng Metro Manila, dumarating pa sa puntong “tinatakot” ang mga mamamahayag kapag “nangungulit” sa mga iyong mga “COPs” (chiefs of police) na makakuha ng kopya ng mga ‘spot reports’ at kahit pa nga ang “pagsilip” sa mga ‘police blotter’ ay “ipinagbabawal” nila?

Reklamo pa nga sa atin ng ilang mga kasamahan sa Calabarzon, sa erya ni RD Edward Carranza (siya pa rin pala ang regional director dito kahit hindi pa rin maipaliwanag ang ginawang pamamaslang ng kanyang mga pulis kay Richard Santillan noong Disyembre), “tinataguan” pa sila ng mga “hepe” sa mga istasyon ng pulis, talaga rin naman!

Noong nakaraang taon, naniniwala naman tayo na sa pagtutulungan namin ni Usec. Egco, “naayos” naman ang ‘misunderstanding’ ng mga media sa Batangas at sa tanggapan ni PD Edwin Quilates, hinggil pa rin sa karapatan ng media na makakalap ng mga impormasyon para naman sa kanilang mga balita.

‘Yun nga lang, kasamang Ed Amoroso, limang probinsiya ang Calabarzon kaya, paano ang sitwasyon sa mga lalawigan ng Laguna, Quezon, Rizal at Cavite, hindi ba?

Ilan pa rin sa ating mga “kabaro” sa media sa iba pang mga rehiyon ng ‘Pinas ay may parehong reklamo -- ”hinihigpitan” sila ng mga pulis na makakuha ng impormasyon.

Kaya nga, harinawang “magbunga” ng maganda ang inisyatiba ni Assec. Ablan na “umamin” din na bukod sa PNP, ilan pa ring mga ahensiya ng Ehekutibo ang mga “pasaway” at kailangan pa niyang “boldyakin” para lang sundin ang mga probisyon ng EO No. 2.

Sa panig naman nina NAPOLCOM vice chairman Rogelio Casurao at DILG secretary, Ed Año, mainam din sigurong ‘reminder’ sa ating mga pulis na “ayaw” as in, A-Y-A-W nila ng estilong ganyan, hane? Abangan!