“Senador Malasakit”

August 28, 2019

HINDI na tayo magtataka kung mabansagang “public enemy number one” si Collector Carmelita “Mimel” Manahan-Talusan ng Bureau of Customs (BoC).

Si Talusan, na anak ni dating BoC Deputy Commissioner Julita Singson-Manahan ng Ilocos Sur, ay district collector ng BoC sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Galit ang mga ismagler, lagi na kasi silang butata kay Collector Talusan.

Noong nakaraang Biyernes nga ay nakasakote na naman ang mga taga-BoC-NAIA ng mga puslit na segunda manong cellular phone.  

Nagkakahalaga ng P15 milyon, ang mga celfon ay galing ng South Korea.

Napag-alaman na ang importasyon ay walang pahintulot mula sa National Telecommunication o NTC.

Sinabi ni Talusan, pamangkin ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson, na hindi puwedeng magparating ng used celfons “in commercial quantity.”

Ang pinapayagan lang ng NTC ay para sa personal use o pasalubong para sa mga kamag-anak.

Noon namang Sabado ay nakakumpiska ang mga examiner ni Talusan ng mga rifle parts, misdeclared as buckles.

Ang mga parte ng baril, na galing ng Shanghai, China, ay nakalagay sa isang package.

Nakatakda namang i-turn-over sa PNP firearms  and explosives unit ang mga ito  “for proper disposition.”  

Malaking tulong sa BoC ang mga X-Ray machine sa kanilang kampanya laban sa ismagling.

Nandiyan din ang mga sniffing dog para ma-detect ang mga ipinagbabawal na droga.

Ang mga tauhan naman ni Collector Talusan ay regular na sumasailalim sa pagsasanay para magampanang mabuti ang kani-kanilang mga tungkulin.

Mahalagang alam nila ang mga modus operandi ng mga tiwaling importer.

Sa laki ng kinikita sa pagpupuslit ng mga kontrabando ay mahirap makampante ang mga taga-BoC.

Kaya tama ang ginagawang paghihigpit ni Coll. Mimel sa NAIA.

Lalu na’t sa  Linggo ay Setyembre na.

Dahil “ber month” na, dagsa na ang  mga tinatawag na  “Christmas item.”

Pero well-prepared ang mga taga-BoC-NAIA.

Hindi ba, Collector Mimel?

***

Dahil sa kahirapan, maraming kababayan natin ang napipilitang gumamit ng mga halamang gamot.

Kulang kasi  ng mga libreng gamot sa mga town at barangay health center sa buong bansa.

Ang hindi maintindihan ng taumbayan, lalo na ng mga mahihirap, ay kung bakit maraming gamot ang nabubulok sa mga bodega.

Ano ba ang problema at hindi naibigay sa mga health center ang mga gamot na ito na sana’y nakatulong sa mga kapuspalad na kababayan.

Dapat mabusisi ng Kongreso kung bakit ito nangyayari.

Tamang-tama dahil pinag-uusapan ngayon ng mga mambabatas ang panukalang 2020 national budget.

Kailangang gumawa sila ng mga guideline para maipamigay kaagad sa mga bayan at barangay ang mga gamot.

Alamin nila ang mga dahilan kung bakit may mga nabubulok na gamot at medical supply sa bansa.

Hindi lang ito nakalulungkot.

Naaaksaya din ang pera ni Juan dela Cruz na nagbabayad ng buwis.

Malaki ang magagawa dito ni Senador Bong Go.

Kilala siyang may malasakit sa mga maysakit, lalo na sa mga mahihirap.

May mga tumatawag na nga sa kanya na “Senador Malasakit.”

Tama ba tayo?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)