Home>Editorial>Opinion>Tama na ang sangkatutak na holiday!

Tama na ang sangkatutak na holiday!

TAMA lang naman na bawasan ni Pangulong Duterte ang napakaraming non-working at special holidays dito sa atin.

Itong pandemic na nagdulot ng kawalan ng trabaho at pagsasara ng mga negosyo ay sapat nang dahilan para tapyasan na ang sangkatutak na walang pasok sa trabaho at paaralan.

Mukhang itong ating bayan ay ipinaglihi sa “walang pasok” kaya maraming negosyo ang hindi makausad.

Simulan natin sa January, magmula sa unang araw matapos ang gabi ng pagsalubong sa Bagong Taon, wala tayong pasok.

Noong araw, ang January 9 na Feast of Black Nazarene ay sa Maynila lamang walang pasok. Pero dahil sa epekto sa traffic, may mga lungsod na rin ang nagdedeklara ng walang pasok. May mga panukala ngayon sa kongreso na gawin itong national holiday.

Susunod sa Black Nazarene ay may Feast of Sto Nino sa Maynila at Cebu sa 3rd week ng January. Wala rin itong pasok sa ibang lugar.

Kapag Pebrero, wala namang holiday noong araw kahit buwan ito ng Pag-ibig. Pero tinatamaan na madalas ito ng Chinese New Year na naging holiday na rin.

Nasa Pebrero rin ang Edsa People power anniversary na isang national holiday.

Ang March at April, sa pagitan niyan at tatama ang Holy Week kaya mayroon na namang tatlo hanggang apat na araw na walang pasok.

Karaniwan, Maundy Thursday hanggang Black Saturday na walang galawan sa mga opisina at pabrika. Extended na yan hanggang Easter Sunday. Iyong mga buwisit na may holiday hangover, hindi pa papasok ng Lunes!

Ang buwan ng Mayo, sangkatutak na pista na naman yan na may kanya-kanyang local holidays. Sa June, dalawang national holidays, ang Independence Day (June 12) at Jose Rizal birthdate (June 19). Mayroon ding araw ng Maynila at San Juan na June 24 na wala ring pasok sa parehong lungsod.

Sa July, diyan naman tatama ang tag-ulan at mga baha kaya tiyak na may mga araw na kanselado ang klase at trabaho. At may mga taon din na dito tumatama ang Eid’l Fitir and Eid’l Adha na national holiday din karaniwan.

Sa August naman, may Quezon Day sa Quezon City at Quezon province. Sa buwan ding ito ang National Heroes Day na dating nasa buwan April. May Linggo ng Wika pa at may Ninoy Aquino pa rin sa buwan ng Agosto.

Sa September naman, dami ring bagyo kaya dami na namang walang pasok. Kung minsan dito rin tumatama ang Eid’t fitir or Eid’l Adha.

Sa Oktubre naman, may isang importanteng petsa, a-kinse, bday ko pero working holiday naman sa pamilya namin kasi sayang ang kita!

Iyong Oktubre 31, halos wala na ring pasok yan kasi preparasyon sa Nov. 1 na pista opisyal din. Umaabot pa ng All Soul’s Day ng Nobyembre 2 ang holiday. Iyong mga batugang manggagawa, Nov. 4 pa madalas pumapasok! Wala ring pasok at national holiday ang November 30 dahil Bonifacio Day naman.

Sa Disyembre, may bagong national holiday, Dec. 8 dahil Immaculate Conception. Iyong Dec. 23, wala na ring galaw ang opisina kasi puro Christmas party na. Tapos, Dec. 24, bakasyon na naman hanggang Dec. 25 na Christmas day plus may holiday din ng December 27 para sa founding year ng isang religious group. May huling hirit pa ng holiday kasi December 30, Rizal day tapos Dec. 31 New Years eve hanggang makabalik na naman tayo sa January 1 na holiday!

Para sa mga negosyante at sa maraming industriya, ang ganito karaming holiday ay nagpapabagal sa galaw ng kalalakan. Sa lifeline ng bansa, tumitigil din ang produksiyon, kasama na ng banking and finance dahil sa santambak na holiday.

Kaya iyong bagong deklarasyon na ang Nov. 2, Dec. 24, Dec 31 ay special working holiday na, malaking tulong ito sa ekonomiya.

Sigaw ng isa kong kaibigan, “tamad man kailangan din ng pahinga!

Tama na ang pahinga, nakakapagod din! allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV