Tulungan sana ng PCSO ang mga Lotto at Keno agents!

MISTULANG dugo na rin ang lumalabas na luha ng mga kababayan nating may-ari ng Lotto at Keno outlets sa bansa.

Tulad nating lahat, labis din silang naapektuhan sa ipinatutupad na ‘community quarantine protocols,’ dahil sa pandemikong problema ng COVID-19.

Sa tala ng PCSO, nasa kabuuang 12,312 ang Lotto agents sa buong Pilipinas at may 3,039 naman ang Keno agents. December 2018 pa lang ang bilang na iyan na siguradong tumaas bago matapos ang isa pang taon dahil marami sa kanila na umaasang ang pagkakaroon ng sariling puwesto sa Lotto ang maghahango sa kanila sa kahirapan.

Pero ang totoo, five percent lamang ang kanilang komisyon sa kabuuang benta araw-araw. Oo ‘tax free’ ito, ngunit simula nang itaas ang benta ng tiket mula P20 hanggang P25, humina ang kanilang sales bago pa man magkaroon ng quarantine.

Para sa kanila, ang ‘five percent commission’ ay maliit na, lalo’t kung umuupa sila ng puwesto at nagbabayad ng pasweldo sa tao. Pero tiis ang kanilang puhunan magkaroon lamang ng marangal na hanapbuhay.

Dagdag gastos pa nga sa kanila ang kinukuhang supply linggo-linggo sa PCSO dahil malaking abala at sakripisyo ito. Ayaw ng PCSO na tambakan sila ng 'supplies.' Ang isa pang gastusin sa mga Lotto at Keno agents ay ang bayad sa kuryente dahil hindi naman inaawas ang kanilang 'expenses' tungkol dito.

Marso 15 nang umpisahan ang community quarantine sa atin kaya kung susumahin, apat na buwan na rin na wala silang pinagkakakitaan.

In fairness kay PCSO General Manager Royina Marzan Garma, may kabuuang P18.7 million ang inuukol nilang budget bilang ayuda sa mga Lotto at Keno agents. Ang problema lang, hindi lahat ay mababahagian ng ayuda. Kung mahigit sa 15,000 ang Lotto at Keno agents, 6,241 lamang rito ang mabibigyan ng tig-P3,000.

Samantalang iyong iba ay waley at ‘nganga!

Dating Lotto agents ang nanay ko kaya marami rin kaming kilalang Lotto outlet owners. Sabi nila, maliit na halaga ang P3,000 kasi kung dalawa ang pinapasuweldo nilang tao, ibig sabihin, paghahaitan nila ito sa tig-P1,000. Kulang pa sa presyo ng isang kabang bigas.

Ayaw man nilang sabihin, ngunit ang pakiramdam nila ay pinababayaan sila ng PCSO.

Maliban sa Small Town Lottery (STL), ang benta sa Lotto at Keno ay malaking tulong sa PCSO upang pagkunan ng pera sa ipinamamahaging tulong sa iba nating kababayang  naoospital at may sakit.

At kung nagagawa nilang tumulong sa iba nating kababayan, dapat ay bigyan din nila ng karampatang tulong ang mga taong nagbibigay serbisyo para punan ng pera ang tinatawag na Medical Access Program (MAP) ng PCSO.

Alam nating may mabuting puso si GM Garma upang silipin ang pangangailangan ng mga Lotto at Keno agents na dapat niyang ituring na Kapuso at Kapamilya.

Kasi kung marami nang malalaking kompanya ang nagsara dahil sa COVID-19, hindi malayong marami pa lalong Lotto at Keno outlet ang magsasara sa mga susunod na araw.

At kapag mangyari ito, ilang buwan nangang walang benta at revenue ang PCSO, lalo silang mababawasan ng kita dahil sa pagsasara ng kanilang Lotto at Keno outlets.

Sa pinakahuling impormasyon na ating natanggap, sa August 1 pa magbubukas ang Lotto at Keno at isipin na lang natin kung pano pa nakaka-survive ang mga pobre nilang ahente.

Ang masaklap, mas priority pa raw buksan ngayon ang STL na alam naman nating lahat na pinagkakakitaan lamang ng ilang tiwaling opisyal sa PNP na dating kasamahan ni GM Garma.

Sana po Madam, mapagtuunan ninyo ng pansin ang ganitong uri ng panawagan ng