Home>News>Nation>Driver binaril na pinagtataga pa

Driver binaril na pinagtataga pa

PINAGSAMANG tama ng baril at taga sa katawan ang naging sanhi ng pagkasawi ng isang driver ng isang construction firm makaraang barilin at pagtatagain ng magpinsang guwardiya sa pinagtatrabahuhang construction site sa Quezon City, nitong Miyerkules ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Niñonito Ambalong Rabaya, 38, stay-in driver ng AZTEC Construction and Equipment Inc. na matatagpuan sa Rolling Meadows 3B Subdivision, Barangay San Bartolome, Novaliches, QC., tubong Zamboanga Del Norte.

Agad namang nadakip ang magpinsang suspek na sina Basir Rasul Birong, 32, tubong Basilan, at Nurjan Rasul Jamlin, 28, kapwa security guard ng AFPSAI security agency, at stay-in sa nasabing construction firm.

Batay sa naantalang report sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 8:30 p.m. (December 2) nang mangyari ang krimen sa nasabing construction site.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg.George Caculba ng CIDU-QCPD, narinig umano ng testigong si Richard Rabaya, pinsan ng biktima, na sumisigaw ang kaniyang pinsan na si Niñonito sa loob ng kaniyang barracks na malapit sa outpost ng mga guwardiya.

Dahil dito ay inalam ni Richard ang pangyayari at doon ay nakita niya na may hawak na bolo si Niñonito at armado naman ng baril ang guwardiyang si Birong habang nagtatalo ang dalawa.

Agad namang nagsumbong si Richard sa kanilang boss na si Victor Tamani at naawat naman ang dalawa.

Subalit makalipas lamang ang ilang minuto ay bumalik ang biktima at akmang tatagain si Birong subalit mabilis na pinaputukan ito ng guwardiya.

Nang makita ni Jamlin ang pangyayari ay kinuha pa nito ang hawak na bolo ng duguang biktima at ilang ulit itong pinagtataga.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO team sa pamumuno ni PMaj. Joseph Infante ang isang 38 revolver at isang bolo na may habang 15 pulgada kabilang ang hawakan.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa magpinsang guwardiya.

Publication Source :    People's Tonight